Survivor castoff Kaye Alipio wants to play villain’s role

Friday, November 28, 2008

Handa raw ang Survivor castoff na si Kristina “Kaye" Alipio na pasukin ang mundo ng showbiz. At ang kanyang dream role – maging kontrabida.

Si Kaye ang ika-13 castaways na natanggal sa Survivor Philippines at nagbigay daan upang maiwan ang top-5 sa nangungunang reality TV show sa Pilipinas ngayon.

Sa live interview ng Chika Minute portion ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, tinanong ng host na si Pia Guanio kung nais pa rin Kaye na ituloy ang kanyang balak na mag-showbiz at ano ang kanyang dream role.

“Kontrabida," mabilis na tugon ng 20-anyos na si Kaye na isang lingerie model. “Kasi yun daw ang nakikita sa akin sa island, yung mukha ko nakakainis, tapos mukha pang kontrabida ganyan. Siguro kakarerin ko na lang ang pagiging kontrabida ko."

Idinepensa rin ng seksing survivor ang sarili at sinabing hindi siya traydor tulad ng pagtingin sa kanya ng mga dating ka-tribu sa reality show matapos niyang iboto ang kasamahan sa Naak na si Kiko Rustia.

Ipinaliwanag ni Kaye na sarili niyang desisyon ang ginawa niya sa isla. Naramdaman na rin umano niya na siya na ang patatalsikin sa grupo nang matunugan niya na ipinalit sa kanya ng mga dating kaalyansa si Anna “Charisse" Yacapin, na mula sa Jarakay tribe.
Nilinaw daw ni Kaye na kaya niya ibigay kay Crisanto “Cris" Cartagenas ang may “sumpang" black pearl ay upang itapon na ito para hindi na magdusa ang iba pa.

Sa patakaran ng “Survivor," ang mabibigyan ng itim na perlas ay awtomatikong may isang boto upang mapatalsik sa isla.

Ayon sa dalaga, nagkausap sila minsan ni Cris at sinabi ng huli na itatapos nya ang perlas kapag siya ang nakakuha upang wala nang magdusa.

Sa pagkakaalis ni Kaye, natira ang top 5 castaways na sina Charisse, isang product officer; Cris, isang company driver; basketball hunk na si John Carlo “JC" Tuiseco; ang sales officer na si Robert Vincent “Rob" Sy at ang 43-anyos na labandera na si Nanay “Zita" Ortega.

 

- Fidel Jimenez, GMANews.TV

0 comments: